Naging ugali ko na ang kausapin ang nga driver ng taxi na aking sinasakyan. Magugulat ka sa kaalaman ng bawat isa, at sa kanilang paninidigan, sa mga isyung bumabalot sa ating lipunan. Mula noong eleksyon, impeachment ng Ombudsman, pagbitay ng mga Pinoy sa China - lahat ito ay alam nila at may binuo silang sariling kuro-kuro at pananaw.
Noong Biyerness, bago pa man lumabas ang balitang nag pull out ang Mang Inasal ng Jollibee Food Corporation sa programang Willing Willie, ay naging paksa sa pagitan ko at ng Mamang Driver ang pang aabuso ng isang bata sa programa.
Tinanong ko kung siya ay nanonood ng WW, at ang kanyan sagot "Napipilitan lamang ako kasi yan ang pinapanood sa bahay, pero kung ako ang masusunod, ililipat ko sa ibang palabas."
Hindi niya napanood ang nasabing episode kaya akin na lamang ikinuwento sa kanya ang pangyayari.Napunta ang aming usapan sa usapin ng pag pull out ng mga advertisers at ang banta ni Willie na i boycott ang ang mag pu-pull out.
Nung aking tinanong kung sila ba ay susunod kung sakaling sabihin ni Willie na wag silang bumili ng produkto ng CDO, ang kanyang naging pahayag "Hindi naman po ako bumibili ng CDO kasi pangit ang lasa, maalat."
Sunod kung tinanong kung kumakain siya sa Mang Inasal at Jollibee. Paborito daw ng kanyang pamilya ang mang Inasal kasi sulit ang Eat-All-You-Can Rice ng nasabing restaurant.
"E paano kung sabihin ni Willie wag na kayo kumain dun kasi iniwan siya ng Mang Inasal?" tanong ko sa kanya.
"Iniinsulto naman niya kaming mahihirap. May sarili kaming pag-iisip. Pagsinabi niya yun, siya ang di namin panonoorin."
Natahimik kami ng mga kasama ko sa sinabi ng Mamang Driver.
Dagdag pa niya "Kung talagang para sa mahirap siya, bakit niya ipagkakait sa amin ang bagay kung saan kami nakakatipid at nakakain ng masarap bilang isang pamilya?"
Mabuhay ka Mamang Driver! Ikaw ang patunay, hindi ito laban ng mahirap sa mayaman. Laban ito ng mga taong naninindigan laban sa karahasan at pang-aabuso, lalong lalo na ang pang-aabuso sa mga bata.
Patuloy na umiibig sa Pilipinas,
At naniniwala sa galing ng Pilipino,
Froilan Grate | GreenMinds
www.NoBystanders.blogspot.com
Salamat para sa mga kagiliw-giliw na blog
ReplyDelete